Pension funds ng SSS at GSIS, nanganganib na magalaw pa rin sa ilalim ng Maharlika Investment Fund Bill

Malaki ang pangamba ng ilang senador na magamit pa rin ang pension funds ng publiko na nakapaloob sa Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, bagama’t nakasaad sa MIF bill o Senate Bill 2020 na hindi pipilitin ang SSS at GSIS na magpasok ng pondo pero nakabatay naman sa plenary debates na maaaring magboluntaryo ang SSS at GSIS na magpasok ng pondo sa MIF Bill kung ito ay ipapasya ng kanilang Board of Trustees.

Babala ni Pimentel, delikado ito dahil karamihan ng mga myembro ng board ng SSS at GSIS ay appointees ng pangulo kaya malaki ang posibilidad na sila ay maimpluwensyahan.


Sinabi pa ni Pimentel na isang kalokohan ang buong ‘set up’ ng Maharlika Fund dahil ang kapital para rito ay kinukuha sa existing funds at wala namang sobrang pondo kaya hindi malabong sumablay ito.

Sinabi pa ni Pimentel na improved version ang sa Senado pero mayroong pinasok na konsepto na “private ownership” na kailangan munang pag-aralan.

Aniya pa, malayo pa ito sa sensible bill kaya naman hindi dapat madaliin ang MIF dahil kung hindi, ito ay magiging perwisyo lamang.

Facebook Comments