Plano rin ng Philippine Sports Commission (PSC) na palawakin ang benepisyo at insentibo ng mga atletang Pinoy.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PSC Chairman Noli Eala na nakapaloob sa Republic Act 6847 na pwedeng madagdagan ang mga benepisyo ng mga atleta batay na rin sa pag-apruba ng kanilang board.
Aniya, isa sa nakikitang paraan para dito ay ang pagkakaroon ng insentibo tulad ng pension plan para sa mga atleta sa hinaharap.
Ayon kay Eala, sinisimulan na nila ang paglalatag ng proseso para sa pagbalangkas ng karampatang panukalang batas para dito.
Sa ngayon aniya, tuloy-tuloy lamang ang pagbibigay nila ng allowance sa lahat ng national athletes.
Binabago rin aniya nila ang criteria para lalong palakasin, palawakin at pataasin ang maibibigay nilang benepisyo sa mga atleta, hiwalay sa regular allowances na natatanggap ng mga ito.