Matapos ang “overwhelming” na suporta na nakuha ni Vice President Leni Robredo sa kaniyang kandidatura bilang pangulo sa 2022, itataya ni Robredo ang kampanya na mismong taumbayan ang magpapatakbo.
Ilang minuto lang matapos ianunsyo ni VP Leni ang kaniyang intensyong tumakbo sa 2022, dumagsa ang pahayag ng suporta para sa kampanya ni Robredo mula sa iba’t ibang personalidad, sektor, at komunidad.
“Hindi natin inaasahan ‘yung overwhelming reaction ng tao, akala namin matutuwa ang dating supporters. Ang nakikita namin ay ibang-iba. After announcement, ang daming nagvo-volunteer, gumagastos ng sariling pera. Ang daming nagiisip ng paraan para makatulong,” wika ni VP Leni.
Aminado si Robredo na hindi tulad ng ibang kandidato, walang makinarya at limitado ang resources ng kaniyang kampo.
Pero dahil sa patuloy na pagbuhos ng suporta kay VP Leni, naniniwala siya na taumbayan mismo ang magiging sentro ng kaniyang kampanya.
“Ang pinapakita nilang paglabas, pagsuporta, parang ina-assure tayo na tama ang desisyon natin. ‘Yung suporta ng taumbayan nagpapakita na kapag ang taumbayan ang nag-decision na gumalaw, wala nang laban ‘yung laki ng makinarya ng iba,” paliwanag niya.
Nito ring Biyernes, pormal na inanunsyo ni VP Leni na makakatambal niya si Senator Kiko Pangilinan na tatakbo naman sa pagka-bise presidente.