Nais ng Lacson-Sotto Tandem na ipatupad sa buong bansa ang isinasagawang “People’s Day” sa Tuguegarao City, Cagayan kung saan ang mga ahensya ng gobyerno mismo ang lumalapit sa mamamayan para maghatid ng kanilang serbisyo.
Ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, ang ganitong uri ng programa na pinangunahan ni Tuguegarao Mayor Jefferson Soriano ay isa sa mga nais nilang ipatupad sa bawat sulok ng bansa kung saan lahat ng pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino ay nariyan na.
Para naman kay Sotto, nakita nila mismo kung gaano naging epektibo ang programa sa mga taga-Tuguegarao at patuloy ang kanilang pagkonsulta sa mga mamamayan para makapagdala ng pangmatagalang solusyon sa mga matatagal nang problema sa bansa
Sa ilalim ng People’s Day program, ang mga kawani ng ahensya tulad ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) , Public Attorney’s Office (PAO) , Philippine National Police (PNP) at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ay nagpupunta sa mga barangay dalawang beses sa isang linggo para maghatid ng kanilang serbisyo.
Paliwanag ni Lacson, malaki ang matitipid na pera, oras at pagod ng ating mga mamamayan sa ganitong uri ng programa dahil di na nila kakailanganin pang gumising nang maaga at gumastos sa pamasahe para makagawa ng transaksyon sa gobyerno.
Ito rin aniya ang isa sa mga solusyon na kanilang naisip matapos ang kanilang mga konsultasyon sa samu’t saring grupo.