Umapela si Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes Chairman Senator Robinhood Padilla na hindi dapat ang People’s Initiative na isa sa pamamaraan ng pag-amyenda sa Konstitusyon ang binabanatan ng lahat ngayon.
Giit ni Padilla, malinaw na nasa Konstitusyon ang People’s Initiative at kung mayroon mang dapat tuligsain ay kung sa paanong paraan isinagawa ito.
Malinaw aniyang nakasaad ang People’s Initiative sa ating saligang batas na kabilang sa karapatan ng taumbayan.
Hindi aniya pwedeng sabihing patay na ang People’s Initiative dahil para na rin nating nilalabag ang Konstitusyon.
Naniniwala si Padilla na ang paraan kung saan nagkamali ang mga nagsusulong ngayon ng People’s Initiative ay ang katanungan kung saan nakasaad na “voting jointly” ang Senado at Kamara at ito ay klarong pinawawalang saysay ang boto ng 24 na senador laban sa 300 boto ng mga kongresista.