Naniniwala si Senate Minority Leader Koko Pimentel na hindi maituturing na “people’s concern” ang itinutulak na People’s Initiative para sa pag-amyenda ng Konstitusyon.
Duda si Pimentel dahil sa tingin niya ay isang espesyalista sa Konstitusyon o isang indibidwal na inaral ng husto ang saligang batas ang nagnanais ng people’s initiative.
Giit ni Pimentel, imposibleng nasa isip ng mga karaniwang tao ang people’s initiative dahil ito ay procedural na paraan na hindi basta maiisip na lamang ng taumbayan.
Kahit aniya sa Senado magsagawa ng survey ay hindi lalabas na ito ang nasa isip ng mga empleyado at kahit pa ng mga mambabatas.
Sa tingin ni Pimentel, posibleng ang people’s initiative ay isang politician initiative o kaya ay professor’s initiative dahil kailangan may nalalaman sa batas para higit na maintindihan ito.