People’s Initiative para sa Cha-cha, hindi pwedeng basta na lang ipahinto ng COMELEC

Iginiit ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda na hindi maaaring basta na lang ipahinto ng Commission on Elections o COMELEC ang People’s Initiative o PI para sa isinusulong na pag-amyenda sa Konstitusyon.

Paliwanag ni Salceda, ang pagbasura o pagbalam sa hakbang ng taumbayan ay labag sa rules and regulations ng COMELEC at sa itinatakda ng Saligang Batas.

Diin ni Salceda, base sa umiiral na 1987 constitution ay mandato ng COMELEC na bilangin at beripikahin ang mga lagda na isinisumite rito ng PI proponents.


Bunsod nito ay obligado aniya ang election officer na mag-isyu ng certification sa oras na matanggap ang lagda para sa People’s Initiative.

Paliwanag pa ni Salceda, balewala rin ang argumento kung sino ang nasa likod ng PI dahil sa ilalim ng Republic Act 6735 ay hindi naman tinutukoy kung politiko o regular voters lamang ang maaaring mag-initiate ng PI.

Facebook Comments