Iimbestigahan ng People’s Law Enforcement Board (PLEB) ng Quezon City ang umano’y red-tagging o pag-uugnay sa komunista ng mga organizers ng community pantries sa lungsod.
Sa isang statement, sinabi ni QC PLEB Executive Officer Atty. Ralph Calinisan na hindi nila maunawaan kung bakit kailangang alamin ng mga pulis ang cellphone number at mga affiliations ni Ana Patricia Non.
Dagdag ni Calinisan, walang puwang sa lungsod ang mga abusadong pulis.
Bukas naman ang PLEB na pakinggan si Ana Patricia Non sakaling may mga concerns ito.
Samantala, sa isinagawang virtual press conference, sinabi ni Ana Patricia Non na walang maitutulong sa mga mamamayan ang mga gumagawa ng pag-red-tag sa kanilang mga organizers ng community pantry.
Naging emosyonal si Non dahil maging ang kaniyang ina na isang social worker at feminist ay na-red-tag.
Nilinaw niya na wala siyang koneksyon sa makakaliwang grupo.
Di aniya niya inakala na ang pagiging aktibista niya noong nag-aaral pa siya ay dahilan para ma-red-tag siya.
Kokonsultahin aniya niya ang kaniyang mga abogado para magabayan siya sa susunod na aksyon.
Nagpasalamat naman siya kay Mayor Joy Belmonte na agad umaksyon at inimbestigahan ang mga nasa likod ng “red-tagging”.