Pera ng gobyerno, hindi ginamit sa pagbabakuna ng mga sundalo at PSG – Sen. Sotto

Dinepensahan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang pagpapaturok ng ilang sundalo at miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ng bakunang hindi pa aprubado ng Food and Drugs Administration (FDA).

Ayon kay Sotto, wala siyang nakikitang masama sa pagpapabakuna ng mga ito dahil hindi naman pera ng gobyerno ang kanilang ginamit.

Aniya, donasyon lamang ng ilang negosyante ang mga bakuna.


Hinamon din niya ang mga bumabatikos sa pagpapaturok ng mga sundalo at PSG na magdemanda na lang kung may makita silang paglabag.

“Hindi naman bawal ‘yan e. Ang bawal kapag gobyerno ang bumili at inadminister ng gobyerno na hindi approved ng FDA, ‘yun ang hindi tama. Wala akong nakikitang violation d’yan. Kung may violation d’yan e di idemanda nila,” giit ng senador.

Samantala, inamin din ni Sotto na marami na ang nag-alok sa kanya ng libreng COVID-19 vaccine pero tinanggihan niya ito.

Aniya, nais muna niyang makita ang resulta ng bakuna.

Una rito, inalmahan din ng ilang senador ang pagprayoridad sa mga sundalo, PSG at miyembro ng gabinete para sa COVID-19 vaccine.

Giit ni Senador Imee Marcos, wala dapat gulangan sa bakuna.

Habang sabi ni Senador Francis Pangilinan, dapat na sumunod sa principle ng bakuna na mauunang bigyan ang mga ‘higher risk’ at hindi ang may koneksyon lamang.

Facebook Comments