Ikinaalarma ni Senator Win Gatchalian ang umano’y pagkawala ng pera ng ilang mga guro na kliyente ng Landbank dahil sa hacking.
Kaugnay nito ay iginiit ni Gatchalian sa Landbank at E-wallet operator na magtulungan at huwag magsayang ng oras para matukoy at madakip ang nasa likod ng krimen.
Malinaw para kay Gatchalian na hindi natitinag ang mga kawatan sa kanilang mga gawain sa gitna ng pinaigting na mga hakbang ng mga kinauukulan.
Bunsod nito ay pinag-iingat ni Gatchalian at pinapayuhang maging mapagmatyag ang lahat sa kanilang mga transaksyon sa online platform.
Kaakibat nito ay ibinigyang-diin ni Gatchalian na dapat din pagtibayin pa ng mga bangko at mga digital payment platforms na gawing up-to-date ang kanilang cybersecurity measures.
Binanggit ni Gatchalian na sila naman sa Senado ay magsisikap na maipasa ang panukalang Internet Transactions Act and Financial Products and Services Consumer Protection Act na sasawata sa ganitong gawain.