Manila, Philippines – Tinitingnan na ng Department of Budget and Management kung epektibo ang performance based bonus sa mga empleyado para lumakas ang performance sa trabaho ng mga taga-gobyerno.
Ito ay dahil pinag-aaralan ng DBM kung bubuwagin na ang Performance Based Bonus o PBB.
Sinabi ni House Appropriations Committee Chairman Karlo Alexei Nograles na kasama sa ikinukunsidera ay kung kailangang ba itong palitan na ng bagong sistema o kung dapat direktang ibigay na lamang ang PBB sa mga empleyado.
Ibinaba na rin kasi sa susunod na taon ang alokasyon para sa pbb ng 11 Billion pesos mula sa kasalukuyang 18 Billion.
Para kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, nangangahulugan ang pagbaba ng pondo sa PBB na mababawasan din ang bilang ng mga empleyado na makakatikim ng nasabing bonus.
Sa umpisa pa lamang ay tutol na ang MAKABAYAN sa PBB pero dahil nandyan na ang sistema ay tanggap nilang inaasahan na ito palagi ng mga nasa gobyerno.
Sa ilalim ng sistema ng PBB, kalahati ng sahod ang natatanggap na minimum na bonus ng empleyado depende sa performance habang katumbas naman ng dalawang buwang sweldo ang maximum na bonus dito.