Maaari nang makuha ng mga eligible Philippine National Police (PNP) personnel ang kanilang performance-based bonus para sa Fiscal Year 2021 simula ngayong araw.
Ito ay makaraang ilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang Special Allotment Release Order sa PNP na nagkakahalaga ng P3,733,668,419.00 na ipapamahagi sa 220,116 PNP personnel.
Ayon kay PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., nagpapasalamat sila sa pamahalaan dahil sa pagkilala sa hard work at dedikasyon ng mga pulis na gumagampan ng kanilang tungkulin.
Nabatid na ang 2021 PNP PBB bonus ay nagkakahalaga ng 52% ng monthly basic salary ng mga pulis as of December 31, 2021.
Hindi naman makatatanggap ng bonus ang mga pulis na mayroong final and executory judgments sa kanilang kasong administratibo at kriminal, hindi nakakuha ng “very satisfactory” rating sa kanyang Individual Performance Evaluation Report, mga bigong makapagsumite ng 2020 Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) gayundin ang mga naka vacation o sick leave sa buong taon.