Ilalathala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa susunod na linggo ang vaccination rate at performance ng bawat probinsya at siyudad sa buong bansa.
Sa ulat ni DILG Secretary Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nito na nagbigay ng commitment ang mga gobernador at mga alkalde na dodoblehin pa ang kanilang performance sa pagbabakuna.
Naglabas na rin aniya siya ng kahalintulad na kautusan para naman sa mga DILG regional director, maging sa BARMM Interior and Local Government minister para magabayan sila sa tamang pag-iimbak at paghawak ng mga bakuna at matiyak ang mabilis na pagbabakuna sa kanilang mga nasasakupan.
Una rito ay nakipagpulong si Secretary Año kasama ang Department of Health at National Task Force Against COVID-19 sa mga lokal na pamahalaan para ipaabot sa kanila ang utos ng pangulo na paigtingin pa ang pakikipagtulungan sa regional vaccination operations centers para sa mas mabilis na vaccination rollout.