Manila, Philippines – Sinampahan muli ng kaso sa Sandiganbayan si dating PNP Chief Alan Purisima kaugnay ng pagkabigo nito na magdeklara ng totoo sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth.
Nahaharap si Purisima sa walong kaso ng perjury dahil sa hindi pagdedeklara ng totoo sa kanyang 2006- 2009 at 2011- 2014 SALN.
Sa SALN nito noong 2006 at 2007 hindi isinama ni Purisima ang lupa ng kanyang misis na si Maria Ramona Lydia Purisima.
Noong 2008 naman ay hindi idineklara ni Purisima ang tatlong ari-arian ng kanyang maybahay samantalang noong 2009 ay mayroong ari-arian ang dating PNP chief na hindi inilagay sa kanyang SALN.
Hindi rin inilagay ni Purisima sa kanyang 2011 SALN ang kanyang dalawang baril, isa rito ay isang high-powered rifle, samantala noong 2012 at 2013 SALN ay hindi rin nito idineklara ang lahat ng ari-arian nilang mag-asawa.
Noong 2014 ay apat na real estate property ang hindi kasama sa idineklara sa SALN.
Si Purisima ay nauna ng nahaharap sa mga kaso ng katiwalian kaugnay ng maanomalyang kontrata ng courier service para sa delivery ng firearms permit at Mamasapano incident.