Permanenteng evacuation sites, muling inihirit para sa mga biktima ng kalamidad

Napapanahon na ayon kay Senador Sherwin “Win” Gatchalian para isaalang-alang ng gobyerno ang pagkakaroon ng permanenteng evacuation centers sa mga lugar na madalas masalanta ng mga kalamidad.

Giit ni Gatchalian, dapat maglaan ng kaukulang pondo sa taunang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para masiguro ang pagpapatayo ng nasabing pasilidad na akma sa mga pangangailangan ng mga nasasalanta.

Paliwanag ni Gatchalian, sa dami at dalas na manalasa ng kalamidad sa bansa natin, dapat ay natuto na tayo sa mga trahedyang nagdaan at may nakalatag nang mga hakbang para sa mga nangangailangan ng agarang paglikas mula sa kani-kanilang mga lugar.


Naunang inihain ni Gatchalian ang kaniyang Senate Bill No. 747 o ang panukalang Evacuation Center Act na nagbibigay prayoridad sa Local Government Units (LGUs) na karaniwang nasasalanta ng kalamidad at walang sapat na ligtas na evacuation centers.

Tinukoy ni Gatchalian na batay sa nakalap na impormasyon ng University of the Philippines Resilience Institute (UPRI), nasa 182 ang mga munisipalidad o 67% ng kabuuang 270 na probinsya na kadalasang nasasalanta ng mga kalamidad ang walang mga permanenteng evacuation centers para sa kanilang mga nasasakupan.

Binigyang diin ni Gatchalian na sa gitna ng pakikipaglaban natin sa pandemya, dapat bigyan din ng atensyon ang paulit-ulit na pangangailangan ng mga kababayan natin tuwing mayroong kalamidad.

Facebook Comments