PERMANENTENG PAGBABAWAL SA PAGKAKARGA AT PAGBABABA NG ISDA SA DAGUPAN CITY PLAZA, TINALAKAY

Tinalakay sa committee hearing ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan ang panukalang ordinansa na gawing permanente ang pagbabawal sa pagkakarga at pagbababa ng isda at produktong pangisdaan sa harap ng City Plaza bilang hakbang upang mapanatili ang kaayusan at maayos na daloy ng trapiko sa lungsod.

Iminungkahi sa pagdinig na gawing opisyal na loading at unloading zone ang open area malapit sa pantalan sa Babaliwan at dating NBI Office sa A. B. Fernandez Avenue.

Itinakda rin ang Pantal Dike Road patungong Magsaysay Consignacion Market bilang alternatibong ruta para sa mga fish delivery vehicles at porters.

Pinangunahan ang pagdinig ng Sangguniang Panlungsod kasama ang mga kinatawan ng Public Order and Safety Office at mga consignacion owners mula sa Magsaysay Market.

Layunin ng panukala na magkaroon ng malinaw at maayos na sistema sa operasyon ng pamilihan at paggamit ng mga kalsada, para sa kaayusan ng lungsod at kapakanan ng lahat ng Dagupeños.

Facebook Comments