Isinulong ni Kusug Tausug Party-list Representative Shernee Tan-Tambut ang pagtatayo ng permanenteng “official residence” para sa bise presidente ng Pilipinas.
Sa inihaing House Bill 2698 ay binigyang-diin ni Tambut na batay sa Saligang Batas ay mayroong official residence ang ikalawang pangulo ng bansa pero hindi ito nasusunod.
Giit ni Tambut, ang vice president, bilang ikalawang “highest elected official” ng bansa ay kailangang magkaroon ng presentableng official residence kung saan maaari siyang humarap o tumanggap ng mga bisita gaya ng mga opisyal na pamahalaan, foreign dignitaries at mga kababayan nating nangangailangan ng tulong.
Dagdag ni Congresswoman Shernee, makatutulong din ito sa gobyerno dahil makatitipid sa upa at iba pang serbisyo kung mayroong permanenteng official residence ang ikalawang pangulo.