Manila, Philippines – Kinansela ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang permit ng Ipilan Nickel Corporation (INC) na pumutol ng ilang mga puno sa Brooke’s Point, Palawan.
Inilabas ni DENR Secretary Roy Cimatu at DENR-MIMAROPA Director Natividad Bernardino ang kautusan isang linggo bago mawalan ng bisa ang isang taong tree-cutting permit na inihain ng DENR-mimaropa.
Ayon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB), December 14, 2016 pa nang makansela ang Environment Clearance Certificate (ECC) ng I-N-C.
Ibig sabihin, dapat ay itinigil na ng kumpanya ang aktibidad nito kabilang ang pagputol ng mga puno.
Pero giit ni INC Resident Manager Ferdinand Libatiqui — legal ang ginawa nilang pagpuputol ng mga puno dahil nakabinbin pa naman ang kanilang apela sa pagkakansela ng ECC nito.
Ikinatuwa naman ni Brooke’s Point Mayor Jean Feliciano ang hakbang ng kalihim ngunit aniya, huli na rin ito dahil marami nang puno ang naputol.
Una nang nagbabala ang opisyal na maghahain siya ng reklamo dahil sa nasabing aktibidad ng I-N-C sa kabila ng kanselasyon ng ECC nito at kawalan ng permit mula sa lokal na pamahalaan ng Brooke’s point.
Sa ngayon, itinigil ng kumpanya ang aktibidad nito para bigyang-daan ang imbestigasyon ng DENR.
DZXL558