Nasa kamay na ng isang Local Government Units ang pagpapasya para patawan ng Revocation ang Permit ng lahat ng mga establisyementong sumakop sa mga kalsada at iba pang mga daanan na dapat ay para sa publiko.
Ito ang laman ng Memorandum Circular na inilabas ni Interior and Local Govt. Sec Eduardo Año bilang pagtalima sa direktiba ni pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang lahat ng mga kalsada laluna sa Metro Manila.
Sa ipinatawag na pagpupulong sa lahat ng Metro Mayors sa DILG, sinabi ng kalihim na hindi lamang dapat na pagbawi ang isagawa kundi dapat ding isailalim sa Rehabilitasyon, konstruksyon at isaayus ang mga kalsada.
Pinare-rebisa rin ni Año sa Provincial, LGU’s, Highly Urbanized Cities, at Municipalities ang lahat ng mga nailabas nang mga Ordinansa at iba pang kautusan para mai-akma sa umiiral pang mga batas sa kasalukuyan.
Nananwagan si Año sa publiko na isumbong ang mga barangay na hindi nakikiisa sa nabanggit na direktiba.
60-araw ang ibinibigay ng DILG sa lahat ng LGU’s sa buong bansa para tumalima bago sila magsagawa ng Audit at papatawan ng parusa ang LGU na bigong magpatupad ng MC 2019-121.