
Darating sa Alaminos City ang Permitting on Wheels (POW) ng Environmental Management Bureau (EMB) Region I sa Abril 14 at 15, 2026, upang maghatid ng mabilis at on-site na environmental permitting services sa publiko.
Sa unang araw ng aktibidad, magsasagawa ng information, education, and communication (IEC) sessions at mga lecture, kabilang ang mga technical discussions, system walkthroughs, at demonstrations upang gabayan ang mga aplikante sa proseso ng pagkuha ng permit.
Samantala, sa ikalawang araw ay tututok sa on-site application processing at real-time technical assistance, kung saan direktang matutulungan ang mga kliyente sa kanilang mga aplikasyon.
Kabilang sa mga serbisyong iaalok ay ang pagproseso ng mga permit at sertipikasyon tulad ng Environmental Compliance Certificate (ECC), Certificate of Non-Coverage (CNC), Wastewater Discharge Permit (WWDP), Permit to Operate (PTO), at iba pang kaugnay na dokumento.
Maaari ring magpatulong ang mga aplikante sa pagsusumite ng online reports tulad ng Self-Monitoring Report at Compliance Monitoring Report, pati na rin sa iba pang legal na proseso na may kinalaman sa environmental compliance.
Ayon sa EMB Region I, layunin ng programa na mailapit ang serbisyo sa publiko, mapabilis ang transaksyon, at maiwasan ang abala sa pagbiyahe ng mga kliyente. Hinihikayat din ang mga interesadong aplikante na magpaunang rehistro sa pamamagitan ng QR code upang maging mas maayos at mabilis ang kanilang transaksyon sa araw ng aktibidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










