Matapos ang koordinasyon ng Taguig City government sa Kagawaran ng Edukasyon at iba pang stakeholder, nagpasya na ipagpatuloy ang face-to-face classes sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod simula ngayong araw Marso 8, 2023.
Ito’y dahil sa obserbasyon nitong nakalipas na dalawang araw na ang pampublikong transportasyon ay hindi gaanong naapektuhan ng patuloy na welga ng jeepney dahil sa maayos na koordinasyon ng Libreng Sakay.
Napansin din ng Taguig Local Government Unit (LGU) ang pagbaba ng bilang ng mga nag-participate sa online classes bilang alternatibong paraan para sa mga mag-aaral na maapektuhan ng tigil-pasada.
Umaasa ang Taguig LGU na makakahanap ng makatuwirang solusyon ang pamahalaan para sa isyung kinakaharap para sa Modernization Program sa public transport.