Nagkaloob ang World Health Organization (WHO) Philippines ng ilang Personal Protective Equipment (PPE) sa mga tauhan ng San Lazaro Hospital sa Lungsod ng Maynila.
Kabilang sa mga ibinigay ng WHO philippines ay medical goggles at face shields na magagamit ng mga staff ng ospital, lalo na ang mga health worker gaya ng mga nurse at doktor.
Ayon sa WHO Philippines, mahalaga ang papel ng mga health workers lalo na ngayong nagpapatuloy pa rin ang banta ng 2019 Novel Coronavirus Acute Rrespiratory Disease (nCoV-ARD).
Dagdag ng organisasyon, ang mga PPE ay importante upang maprotektahan ang health workers na front liners o siyang mga nag-aalaga at nag-oobserba sa mga pasyente na kumpirmado o may hinihinalang nCov-ARD.
Ang San Lazaro Hospital ay kilalang referral facility para sa Infectious/Communicable Diseases, at dito dinadala ang ilang mga pasyenteng nakitaan ng sintomas ng nCoV-ARD.
Base sa datos ng Department of Health (DOH), nananatili sa tatlo ang kumpirmadong kaso ng nCoV-ARD sa Pilipinas kung saan isang pasyente ang nasawi habang aabot naman sa higit tatlong daan ang bilang ng Patients Under Investigation (PUIs).