PESO-ISABELA, PASOK SA NATIONAL SEARCH FOR BEST PUBLIC EMPLOYMENT SERVICE OFFICE

CAUAYAN CITY – Pasok sa national level ang Public Employment Service Office – Isabela (PESO-ISABELA) matapos magwagi sa Search for Best PESO Regional level ng DOLE Region 2 sa ilalim ng First-Class Province category.

Personal na tinanggap ni PESO Manager Cecilia Claire Reyes at Provincial Information Officer Atty. Elizabeth Binag ang karangalan sa awarding ceremony na ginanap sa DOLE Regional Office sa Tuguegarao City.

Sa naging pahayag ni PESO Manager Reyes, patunay lamang ang nakamit na parangal ng dedikasyon ng ahensya katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela na makapagbigay ng epektibong serbisyo at trabaho sa mga job seekers sa buong probinsya.


Maliban sa PESO-Isabela, nakatanggap din ang PESO-City of Ilagan sa Component City category at PESO-San Mariano sa First-Class Municipality category.

Gaganapin naman ang national level sa ika-16 ng Oktubre sa Zamboanga City bilang bahagi ng 24th National PESO Congress.

Facebook Comments