PET, nagbabala sa kampo nina Marcos at Robredo hinggil sa paglabag sa sub judice rule

Nagbabala ang Korte Suprema na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) sa kampo nina dating Senator Bongbong Marcos Jr. at Vice President Leni Robredo sa mga paglabag hinggil sa sub judice orders.

Ang pahayag ng PET ay kasunod ng pagharap at paglalabas ng pahayag ng mga partido, kanilang mga abogado sa iba’t ibang media outlets kabilang ang print, broadcast at social media.

Pinaaalahahan ng PET ang dalawang kampo na sundin ang sub judice rule.


Ang sub judice ay isang legal principle kung saan hindi maaaring maglabas ng komento sa publiko hinggil sa posibleng kalalabasan ng isang kaso na tinatalakay pa sa korte.

Ang paglabag sa nasabing patakaran ay maaaring ipa-contempt ng korte sa pamamagitan ng multa o kulong.

Hindi ito ang unang beses na nagpaalala ang PET sa magkabilang partido hinggil sa sub judice rule.

Noong September 10, 2019 ay naglabas ng paalala ang PET matapos nitong matapos ang recount at revision ng mga balota sa mga lalawigan ng Iloilo, Negros Occidental, at Camarines Sur na may kinalamang sa 5,415 precincts.

Noong June 2018, pinatawan ng ₱50,000 na multa ang kampo nina Marcos at Robredo dahil sa paglabag sa sub judice orders.

Matatandaang nitong Lunes ay hiniling ng kampo ni Marcos at ng Office of the Solicitor General (OSG) kay Associate Justice Marvic Leonen na mag-inhibit sa electoral case.

Facebook Comments