Peter Lim, itinurong big time drug supplier ng grupo ni Kerwin Espinosa batay sa reklamong inihain ng PNP-CIDG

Manila, Philippines – Ang negosyanteng si Peter Lim ang itinuturong big time supplier ng illegal na droga ng grupo ni Kerwin Espinosa na distributor ng shabu sa Visayas.

Ito ang nakasaad sa referral letter ng Major Crimes Investigation Unit ng PNP-CIDG kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre na na naglalaman ng detalye ng reklamong kanilang isinampa laban kay Lim, Peter Co, Espinosa at iba pang personalidad na sinasabing sangkot sa kalakaran ng iligal na droga sa Region 7 at 8.

Ayon sa PNP-CIDG, ibinunyag ng pinagkakatiwalaang tauhan ni Espinosa na kanilang naaresto sa isang buy-bust operation nuong July 8, 2016 sa Albuera, Leyte na sina Lim at Co ang supplier ng droga ng Espinosa Group.


Ayon kay Marcelo Adorco, tig-dalawampung kilo ng droga ang nakuhang suplay ng Espinosa group mula kina Co at Lim.

Noong 2014, apat na kaparehong transaksyon ang nangyari sa pagitan ni Lim at ng Espinosa Group.

Ika-pito ng Hulyo ng taong 2015, nag-deliver si Lim ng 50 kilo ng shabu sa Espinosa Group at ito ay batay na rin sa napagkasunduan nila ni Kerwin Espinosa sa Thailand nuong June 4, 2015.

Lahat din ng delivery ng shabu ay nangyari sa Cash and Carry sa Lungsod ng Makati.

Tinukoy pa ng PNP-CIDG sa kanilang reklamo na ang Peter Lim na sangkot sa illegal drug trade ay ang mismong negosyante sa Lungsod ng Cebu na nakipagkita kay Pangulong Duterte nuong July 2016.

Facebook Comments