Nanindigan ang mga transport group na hindi nito iaatras ang hirit na madagdagan ang singil sa pasahe sa mga pampublikong transportasyon sa kabila ng rollback sa produktong petrolyo nitong Martes.
Ayon kay Pasang Masda President Obet Martin, kahit kasi mas mababa ang nakaltas sa presyo ng produktong petrolyo ay malaki pa rin ang itinaas sa presyo nang magsimula ang taon kung kaya’t hindi pa rin ito makakayanan ng mga tsuper.
Matatandaang simula Enero, ay umabot na sa P36.80 kada litro ang itinaas ng diesel habang P24.30 naman ang itinaas ng gasolina.
Umaasa rin ang grupo ng mga jeepney driver sa P3 na dagdag sa pasahe sa jeepney.
Sa kasalukuyan, nasa P11 ang minimum fare ng jeep at nakatakdang dinggin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang apela nila sa Hulyo 27.
Samantala, nanindigan din ang grupo ng mga bus na Samahan ng Transport Operators ng Pilipinas na hindi sila magwi-withdraw sa kanilang petisyon na fare increase.
Nabatid na kahapon, Hulyo 12, dapat didinggin ang apela ng mga bus sa LTFRB pero hindi pa nabubuo ang mga board member ng ahensiya kaya ipagpapaliban muna ito habang nakatakda din ngayong Hulyo ang pagdinig sa petisyon ng transport network vehicle service (TNVS).