Dumulog sa Supreme Court si Atty. Larry Gadon para hilingin na ideklarang iligal ang batas na nagpangalan sa Metro Manila Airport bilang Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Sa kaniyang labing-anim na pahinang petition, hiniling ni Atty. Gadon sa Korte Suprema na ideklarang null and void ang Republic Act No. 6636 dahil labag aniya ito sa umiiral na rules and laws.
Kasama ang kaniyang abogado na si Manila Times Columnist Atty. Al Vitangcol III, hiniling ni Gadon na atasan ng Supreme Court ang gobyerno na ibalik ang pangalan ng paliparan sa dating Manila International Airport o MIA.
Iginiit ni Gadon na base sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) guidelines, sa ilalim ng paragraph 6 ng Section IV, nakasaad dito ang mandato na walang public place na dapat palitan ang pangalan o ipangalan sa sino mang indibidwal sa loob ng sampung taon ng kaniyang kamatayan maliban na lamang sa mabigat na kadahilanan.
Si dating Senator Benigno “Ninoy” Aquino aniya ay na-assassinate sa tarmac ng nasabing paliparan noong August 21, 1983 at ang MIA ay pinalitan ng pangalang NAIA noong November 1987.
Nilabag aniya nito ang guideline dahil apat na taon pa lamang noon matapos na mamatay si Ninoy nang ipangalan sa kaniya ang airport.
Ipinunto pa ni Gadon na si Aquino ay exceptional character at hindi siya maituturing na bayani.
Sa katunayan aniya, nahatulan din si Ninoy sa Amerika ng parusang kamatayan dahil sa subversion charges ng Military Commission sa US kaugnay ng kaniyang pagkakasangkot sa usapin ng declassified documents ng US Department of State noong June 30, 2005.