Kinumpirma ni Supreme Court Spokesman Atty. Brian Keith Hosaka na inabisuhan siya ni Chief Justice Diosdado Peralta na binasura ng mga mahistrado, unanimously ang petisyon ni Atty. Larry Gadon na humihiling na ideklarang iligal ang batas na nagpangalan sa Metro Manila Airport bilang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Hosaka, walang nakitang sapat na merito ang mga mahistrado para ideklarang null and void ang Republic Act No. 6636.
Una nang nagtungo sa Korte Suprema si Gadon kasama ang kanyang abogado na si Manila Times Columnist Atty. Al Vitangcol 3rd, para hilingin sa Supreme Court na atasan ang gobyerno na ibalik ang pangalan ng paliparan sa dating Manila International Airport (MIA).
Iginiit ni Gadon na base sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Guidelines, sa ilalim ng Paragraph 6 ng Section IV, nakasaad dito ang mandato na walang public place na dapat palitan ang pangalan o ipangalan sa sino mang indibidwal sa loob ng 10 taon ng kanyang kamatayan maliban na lamang sa mabigat na kadahilanan.
Si dating Senator Benigno “Ninoy” Aquino 3rd aniya ay na-assassinate sa tarmac ng nasabing paliparan noong August 21, 1983 at ang MIA ay pinalitan ng pangalang NAIA noong November 1987.
Nilabag aniya nito ang guideline dahil apat na taon pa lamang noon matapos na mamatay si Ninoy nang ipangalan sa kanya ang airport.
Ipinunto pa ni Gadon na si Aquino ay exceptional character at hindi siya maituturing na bayani.
Sa katunayan aniya nahatulan din si Ninoy sa Amerika ng parusang kamatayan dahil sa subversion charges ng Military Commission sa US kaugnay ng kanyang pagkakasangkot sa usapin ng declassified documents ng US Department of State noong June 30, 2005.