Petisyon na humihiling na palayain ang political prisoners na “At Risk” sa COVID-19, inihain sa Korte Suprema

Isang petisyon ang inihain sa Korte Suprema na humihiling na pansamantalang palayain ang ilang political prisoners na “At Risk” sa gitna ng banta ng COVID-19.

Sa Petition for Certiorari na may titulong “In the Matter of the Urgent Petition for the Release of Prisoners on Humanitarian Grounds in the Midst of the Covid-19 Pandemic,” umaapela ang petitioners sa Korte Suprema na pansamantalang palabasin mula sa kulungan ang nasa higit 20 na preso.

Ang paghahain ng petisyon sa Korte Suprema ay pinangunahan ni Atty. Maria Kristina Conti ng Public Interest Law Center at ng ilang mga kaanak ng mga preso.


Kasama sa respondents sina Interior and Local Government Sec. Eduardo Año, Justice Sec. Menardo Guevarra at iba pa.

Ayon sa petitioners, mula sa mga political prisoners, labing siyam ay may edad singkwenta’y singko (55) anyos pataas.

Sa naturang bilang din, labing siyam ang may karamdaman, 1 sa mga inmate ang mayroong leprosy at ang isa ay buntis.

Ayon kay Fides Lim, maybahay ni National Democratic Front of the Philippines o NDFP consultant Vic Ladlad, batid naman ng lahat ang sitwasyon sa mga kulungan na siksikan at masikip, at posible ang hawaan ng sakit.

Hiniling din ng mga preso na mapalaya sa pamamagitan ng “Recognizance” o kaya’y paglalagak ng piyansa, tulad ni dating Senador Juan Ponce Enrile na napalaya dahil sa edad nito at kalusugan.

Humirit din sila sa Korte Suprema na atasan ang mga respondent na bumuo ng Prisoner Release Committee na mag-aaral sa pagpapalaya sa mga bilanggo mula sa mga congested na bilangguan sa bansa.

Wala pang katiyakan kung maaaksyunan ng Korte Suprema ang petisyon dahil ang Supreme Court En Banc Session ay pansamantalang suspendido dahil sa Enhanced Community Quarantine maliban na lamang kung magpapatawag ng special session.

Facebook Comments