Petisyon na i-dismiss ang kaso laban sa pagkamatay ng UST law student na si Horacio Castillo III, ibinasura ng Manila Regional Trial Court

Ibinasura ng Manila Regional Trial Court ang petisyon ng ilang miyembro ng Aegis Juris fraternity na i-dismiss na ang kaso laban sa kanila kaugnay sa pagkamatay ng University of Sto. Tomas law student na si Horacio “Atio” Castillo III.

Sa inilabas na desisyon ng korte, ibinasura ni Manila RTC Branch 11 acting Presiding Judge Shirley Magsipoc-Pagalilauan ang demurrer to evidence dahil sa lack of merit.

Ang demurrer to evidence ay isang mosyon na layong i-dismiss ang criminal case batay sa kakulangan ng ebidensiya na maaaring mauwi sa pagkaka-acquit ng mga nasasakdal nang hindi na nila kinakailangang magpresinta ng mga ebidensiya.


Inihain ang magkakahiwalay na mosyon nina Arvin Balag, Jose Miguel Salamat, Joriel Macabali, Robin Ramos, John Audrey Onofre, Marcelino Bagtang Jr., Axel Munro Hipe, Mhin Wei Chan, Ralph Trangia, at Dannielle Hans Matthew Rodrigo.

Ginawang depensa ng mga ito na heart enlargement ang dahilan ng pagkamatay ni Castillo at hindi dahil sa mga tinamo nitong injury.

Pero ayon kay Pagalilauan, malinaw na nasawi si Castillo dahil sa hazing at naroon lahat ang mga akusado habang naganap ang krimen.

Mahaharap sa 40 pagkakakulong ang mga akusado sakaling mapatunayan na guilty sila sa paglabag sa Republic Act 8049 o Anti-Hazing Law.

Facebook Comments