Petisyon na kumukuwestiyon sa kautusan ng Ombudsman sa restriction sa SALN, binasura ng Korte Suprema

Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon na kumuwestyon sa kautusan ni Ombudsman Samuel Martires hinggil sa restriction sa mga Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).

Matatandaan na naglabas ng memorandum circular si Ombudsman Martires kung saan nililimitahan ang access ng publiko sa mga SALN ng mga opisyal ng gobyerno kabilang ang presidente, bise presidente at mga pinuno ng constitutional bodies, maliban na lamang kung may basbas na pagsang-ayon sa paglalabas ng SALN.

Partikukar na binasura ng Supreme Court ang inihain ni Louis Biraogo na petition for certiorari, prohibition and mandamus noong Disyembre 16, 2020 na humihiling na isantabi at huwag ipatupad ang memorandum order ni Ombudsman Martires dahil sa aniya’y pagiging “unconstitutional” nito.


Nais kasi ng petitioner na makuha ang SALN ni Vice President Leni Robredo, kaya iniakyat niya sa Korte Suprema ang isyu laban sa memo ng Ombudsman kung saan kinakailangang may “written and duly notarized consent” mula sa bise presidente.

Gayunman, sa desisyon ng Supreme Court en banc, ikinatwiran nito na ang access ng publiko sa SALN ay hindi “absolute right” at sa halip ay “subject to regulation” ng custodian o ang Ombudsman upang maiwasan ang pagkasira o pagkawala ng mga dokumento at maiwasan din ang “undue interference.”

Hindi rin pinagbigyan ang petisyon dahil sa walang aktwal na kaso at labag din sa “hierarchy of courts.”

Bukod sa ang petisyon para sa mandamus ay maituturing na maling remedyo sa usapin.

Ayon sa Korte Suprema, bigo si Biraogo na magpresenta ng “actual controversy” dahil mayroon lamang “verbal” na pagtanggi mula sa Ombudsman para pagbigyan ang hiling ng petitioner at hindi magagawa ng Kataas-taasang Hukuman ang judicial power nito para sa isang memo circular lamang.

Kaugnay nito, naglatag naman ang Korte Suprema ng ilang panuntunan kaugnay sa request sa access ng mga SALN ng Supreme Court justices at mga hukom.

Facebook Comments