Manila, Philippines – Dapat nang ibasura ng Supreme Court ang petisyong kumukwestiyon sa legalidad ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Ito ang iginiit ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri kasunod ng pagratipika ng COMELEC en banc sa BOL noong Biyernes makaraang makakuha ng pinakamaraming boto na “yes” mula sa ARMM.
Ayon kay Zubiri, na siyang sponsor ng BOL sa Senado, sana raw ay ikonsidera ng mga mahistrado sa SC ang pagpabor ng nakararami sa batas na naglalayong magtatag ng bagong Bangsamoro Region.
Dapat din aniyang makita ng mga mahistrado ang pagiging “instrumento ng kapayapaan” ng BOL at hindi isang “political instrument.”
Nagpasalamat din ang mambabatas na hindi nag-isyu ng temporary restraining order ang sc na posibleng magpahinto sa isinagawang plebisito.
Noong nakaraang taon nang ihain ni Sulu Gov. Abdusakur Tan II ang petisyon sa sc na humihiling na ideklara ang BOL bilang unconstitutional.
Samanatala, sang-ayon sa proklamasyon ng COMELEC, itinuturing nang ratipikado ang BOL kahit hindi pumabor ang karamihan sa mga naninirahan sa Sulu.