Tiniyak ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na mababasura lamang ang petisyong inihain ni Atty. Dino De Leon sa Korte Suprema.
Ang nasabing petisyon ay humihiling sa katas-taasang hukuman na atasan si Pangulong Rodrigo Duterte na i-reveal o isapubliko ang kanyang medical records maging ang kanyang psychological/psychiatric examination results.
Ayon kay Roque malinaw na nakasaad sa Article 7, Section 12 ng Philippine Constitution na kung mayroong seryosong karamdaman ang Pangulo ay dapat ipaalam niya sa taumbayan ang kanyang kondisyon.
Pero unang-una ay wala namang seryosong sakit ang Pangulo at ang karamdaman na kanyang iniinda sa ngayon ay tama lamang para sa isang 75 years old na hindi na dapat pang i-report sa taumbayan.
Ipinaliwanag din ni Roque na salig sa 1987 Charter, ang Pangulo ay mayroong immunity from suit o hindi maaaring maidemanda ang Pangulo.
Paliwanag pa nito na ang Korte Suprema ay hindi trier of facts na nangangahulugang ang dapat magdetermina kung mayroon ngang serious illness ang Pangulo ay Regional Trial Court at hindi ang Supreme Court.
Una nang sinabi ni Presidential Chief Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na bunga lamang ng pagkainip sa lockdown ang kasong isinampa ni Atty. De Leon.