Umusad na ang preliminary hearing sa Commission on Elections (COMELEC) kaugnay ng kahilingang mabasura ang kandidatura ni presidential aspirant Bongbong Marcos.
Pinangunahan ni presiding Commissioner Socorro Inting ng 2nd division ang virtual preliminary hearing.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, nagdesisyon ang 2nd division na huwag munang magtakda ng petsa para sa paghahain ng memoranda ng magkabilang panig.
Ito ay dahil kailangan munang maresolba ang mga pending incident.
Kabilang dito ang nakahain na motion to intervene at ang kahilingan para sa face-to-face oral argument.
Kapag naresolba na ito ay saka pa lamang itatakda ang petsa ng paghahain ng kani-kanilang memoranda.
Sa preliminary hearing sa unang bahagi ay binigyan ng pagkakataon ang magkabilang panig sa nakalatag ng posisyon sa usapin, wala rin namang naging amendments at stipulations.
Ayon kay Jimenez, tanging mga abogado ng magkabilang panig ang dumalo at di kailangang dumalo ni Marcos at ang naghain ng petisyon na si Christian Buenafe.
Samantala, ang disqualification case laban kay Marcos na inihain ni Bonifacio Ilagan ay binawi at muling inihain.