Tuluyan nang naghain ng petisyon sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang mga stakeholder na nagnanais na ipatigil ang implementasyon ng Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC) sa bansa.
Kabilang sa mga respondent sa isinampang petition for injunction and nullification with prayer for temporary restraining order and writ of preliminary injunction ay sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, Land Transportation Office (LTO) Chief Edgar Galvante at dalawang matatas na opisyal ng DOTr.
Ayon kay Atty. Carlo Sanchez, ang legal counsel ng grupo, apektado na ang maraming vehicle owners dahil sa kalituhang dulot ng pagpapatupad ng PMVIC.
Anila, sa isa sa memorandum na inilabas ng LTO, hindi na mandatory ang PMVIC.
Gayunman, hindi naman tinatanggap sa mga district offices ang emission testing result na galing sa mga Private Emission Testing Centers (PETC).
Giit ng mga petitioner, paiba-iba ang mga direktiba na inilalabas ng DOTr at LTO kaya’t hindi malaman ng mga magpaparehistro ng sasakyan kung ano ngayon ang kanilang susundin.
Mas mainam anila na ipasara o ipatigil na lamang operasyon ng iilang PMVIC sa bansa.