Petisyon ng 2 katutubo laban sa Anti-Terror Act, ibinasura ng Korte Suprema

Mismong si Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta ang nagkumpirma na ibinasura nila ang petition for intervention ng dalawang katutubong Aeta.

Kaugnay ito sa pagkwestyon nila sa Anti-Terrorism Act na isa sa mga batas na ginamit ng mga otoridad sa pag-aresto sa kanila at kabilang sa nakahaing kaso sa korte sa Zambales.

Sa pagsisimula ng Oral Arguments ng Korte Suprema sa Anti-Terror Law, sinabi ng Punong Mahistrado na unanimous o lahat ng mahistrado ang pumabor sa pag-dismiss sa petisyon.


Ginawa ni Peralta ang paglalahad matapos maglatag ng manifestation si Solicitor General Jose Calida laban sa naturang petisyon.

Sa pahayag ni Calida, sinabi nito na umaatras na ang dalawang Aeta sa petisyon at inamin aniya ng mga ito na pinilit lamang sila ng mga abogado ng National Union of People’s Lawyers na pumirma sa naturang dokumento.

Bago itinuloy ang pagtalakay, pinabulaanan ito ni Atty. Neri Colmenares at sinabi nito na malabong pilitin ng mga abogado ang mga katutubo na pumirma sa petisyon dahil sila ay nasa kustodiya ng pulisya.

Facebook Comments