Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng Securities and Exchange Commission (SEC) na gamitin ang retained income sa healthcare insurance.
Batay sa resolusyon ng Supreme Court en banc, mahigpit na pinagbawalan ang SEC na gamitin ang retained income ng komisyon para pambayad sa Medicard Insurance Premiums ng mga opisyal at kawani.
Ayon sa SC, ang retained income ng SEC ay maaaring gamitin sa maintenance and other operating expenses (MOOE) at capital outlay requirements.
Ang nasabing health care insurance premiums ay may kabuuang halaga na P13,775,406.25 na sumasaklaw sa SEC personnel.
Noong 2010 at 2011, naglabas ng resolution ang SEC na nagtatakda ng pondo para sa health insurance benefits ng mga opisyal at mga kawani mula sa retained earnings.
Una nang naghain ng petition ang SEC sa SC matapos na hindi pahintulutan ng Commission on Audit (COA) ang naturang disbursement.
Sa pag-dismiss sa petition ng SEC, pinaliwanag ng SC na hindi bahagi ng MOOE ang nasabing disbursement.