Monday, March 30, 2026

Petisyon ni Atty. Harry Roque laban sa House Quad Committee, ibinasura ng SC

Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon na inihain ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque laban sa Quad Committee ng Kamara na nag-imbestiga noon sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Samuel Gaerlan, ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ang petisyon ni Roque para pigilan ang pag-aresto sa kaniya at pagbawalan ang Quad Committee na padaluhin siya sa mga pagdinig sa hinaharap at magsumite ng mga hinihinging dokumento.

Nakasaad sa desisyon na moot na ang petition for certoriari and prohibition ni Roque lalo’t natapos na ang 19th Congress noong nakaraang taon at binawi na rin ang contempt order sa kaniya.

Noong 2024 nang mag-convene ang Quadcomm para imbestigahan ang mga iligal na aktibidad na iniuugnay sa operasyon ng POGO sa bansa.

Inimbitahan sa pagdinig ang dating kalihim pero isang beses lamang siya dumalo at naghain na ito ng mosyon para ipawalang bisa ang subpoena laban sa kaniya.

Ayon kay Roque, inihain niya ang petisyon dahil nilabag umano nito ang kaniyang mga karapatan.

Sabi ng SC, maituturing nang moot ang isang kaso kapag wala nang magiging epekto ang isang ruling gaya ng nangyari kay Roque kasunod ng pagtatapos ng mga pagdinig at pag-adjourn ng ika-19 na Kongreso.

Facebook Comments