Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ni Atty. Larry Gadon laban sa pagbibigay ng provisional authority ng National Telecommunications Commission (NTC) sa ABS-CBN Corporation.
Unanimous ang naging boto ng mga mahistrado ng Supreme Court para ibasura ang petisyon ni Gadon dahil sa kawalan nito ng “legal standing”.
Labintatlo (13) sa mga mahistrado ng SC ang present sa en banc session kanina at lahat ng ito ay bumoto pabor sa pagbasura sa petisyon ni Gadon laban kina Speaker Allan Peter Cayetano, Rep. Franz Alvarez ng House Franchise Committee at NTC Commissioner Gamaliel Cordobal.
Sa petisyon ni Gadon, inihirit nito na pigilan ang NTC na magkaloob ng provisional authority sa ABS-CBN kung saan sinubukan din ni Gadon na i-withdraw o bawiin ang kanyang petisyon na naihain sa SC noong March 5, 2020.
Sa naturang petition for prohibition ni Gadon, hiniling nito sa SC na pigilan ang NTC na aksyunan ang sulat ng House Franchise Committee na nag-uutos dito na mag-isyu ng provisional authority sa ABS-CBN Corporation.
Naniniwala si Gadon na walang kapangyarihan ang NTC para magbigay ng permit para makapagatuloy na makapag-operate ang network sa sandaling mapaso na ang prangkisa nito dahil ang trabaho aniya ng NTC ay bilang isang regulatory at supervisory body.