
Pormal nang naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal kaugnay sa pagpasa sa panukalang nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE bilang isang ganap na batas.
Ngayong Biyernes ng umaga nang ihain ni Macalintal ang petisyon para hilingin sa Kataas-taasang Hukuman na ideklara itong unconstitutional o labag sa Saligang Batas.
Hiniling din nila sa SC na maglabas ng temporary restraining order para sa implementasyon nito.
Ayon kay Macalintal, hindi maaaring basta-basta ipagpaliban ang halalan dahil malinaw na itinakda na ng batas ang termino ng mga opisyal ng barangay at SK.
Kamakailan nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang Republic Act 12232 na naglilipat ng halalan mula Disyembre 2025 patungong unang Lunes ng Nobyembre 2026 na nataon naman ng araw ng Undas.









