Petisyon para ihinto ang pagbabayad ng Comelec sa joint venture ng Miru Systems, inihain sa Korte Suprema

Isang supplement to the petition ang inihain ngayong Huwebes ng umaga sa Korte Suprema para ipawalang bisa ang kontrata ng joint venture ng Miru Systems Inc. at Commission on Elections para sa halalan sa susunod na taon.

Ayon kay dating Caloocan Representative Egay Erice, dapat i-nullify na ang kontrata dahil sa pag-atras ng St. Timothy Construction Corporation.

Mali aniya si Comelec Chairman George Erwin Garcia na maaari pang matuloy ang kontrata sa kabila ng pag-alis ng isa sa miyembro ng joint venture.


Kaugnay niyan, hiniling din ni Erice sa SC na mag-isyu ng Temporary Restraining Order sa lahat ng mga transaksyon kabilang na ang pagbabayad ng Comelec sa joint venture.

Samantala, sinabi naman ni Comelec Chairman Garcia na handa nilang sagutin ang lahat ng mga ihahain pero hindi sila hihinto sa ginagawang paghahanda para sa 2025 midterm elections.

Ayon kay Garcia, halos 80% na ng automated counting machines na gagamitin sa halalan sa susunod na taon ang dumating na sa Pilipinas.

Facebook Comments