Petisyon para isapubliko ang tunay na lagay ng kalusugan ni Pangulong Duterte, tuluyan nang ibinasura ng Korte Suprema

Tuluyan nang ibinasura ng Korte Suprema ang petisyong humihiling na isapubliko ang tunay na kalagayan ng kalusugan at kaisipan ni Pangulong Rodrigo Duterte mula nang maupo siya sa puwesto.

Sa inilabas na notice ng Supreme Court En Banc na may petsang September 8, 2020, isinapinal na nito ang desisyon at wala na rin silang tatanggapin na anumang mosyon mula sa petitioner na si Atty. Dino de Leon.

Matatandaan na noong May 8, 2020, una nang ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ni Atty. De Leon na nag-oobliga sa gobyerno na ilabas ang “health bulletin” ng Pangulong Duterte sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary.


Naghain din ng urgent petition for mandamus noong April 13, 2020 ang abogado na humihiling na atasan ang korte na ilabas ang medical records ng Pangulo.

Hiniling din ng petitioner na maisailalim sa psychiatric test ang Pangulo para makumpirma ang mga impormasyon sa kaniyang medical records at maberipika na kaya pa niyang pamunuan ang bansa.

Ikinatwiran naman ng mga mahistrado na walang nakitang merito ang urgent petition for mandamus ng petitioner, kung saan nabigo rin ang abogado na mapatunayan na dapat siyang panigan ng korte para pagbigyan ang kanyang petisyon.

Ayon pa sa Supreme Court, hindi rin napatunayan ng petitioner na may obligasyon ang Pangulo na ilabas ang kanyang kalagayan sa kalusugan.

Facebook Comments