
Pinag-aaralan na ng Supreme Court (SC) ang petisyong inihain ng guro na si Barry Tayam kaugnay sa desisyon ng Political Finance Affairs Department ng Commission on Elections (Comelec) sa kaso ni Senador Francis “Chiz” Escudero.
Ang petisyon ay may kaugnayan sa reklamo laban sa senador hinggil sa umano’y pagtanggap nito ng donasyon mula sa isang government contractor, na posibleng paglabag sa Omnibus Election Code.
Batay sa resolusyon ng Supreme Court En Banc, tinanggap ng mga mahistrado ang petition for review na inihain ni Tayam.
Layon nitong hilingin sa Kataas-taasang Hukuman na baligtarin ang resulta ng imbestigasyon na nagsabing walang paglabag si Escudero.
Wala namang ibinigay na karagdagang detalye ang SC tungkol sa naturang kaso.
Noong November ng nakaraang taon nang iabswelto ng Comelec si Escudero sa alegasyong tumanggap siya ng ₱30 million mula kay Lawrence Lubiano ng Centerways Construction and Development Inc.










