Aminado si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III na malabo pang madesisyunan ngayong taon ang petisyon para sa taas pasahe sa jeep.
Nauna rito, naghain ng petisyon ang Pasang Masda at iba pang transport group para sa hirit na ₱5.00 dagdag-pasahe noong kasagsagan ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Guadiz, mahirap pang magdesisyon sa ngayon dahil magalaw pa ang presyuhan ng krudo.
Hihintayin muna aniya nila na maging matatag ang presyuhan bago sila magtatakda ng pagdinig sa susunod na buwan.
Pagtapos nito ay umaasa silang makapaglalabas ng resolusyon sa Enero ng susunod na taon.
Sa ngayon, patuloy na umiiral ang pisong provisional increase sa mga jeep.
Nauna nang sinabi ni Pasang Masda President Obet Martin na nakahanda silang bawiin ang provisional increase sa oras bumaba sa ₱53 ang kada litro ng diesel.
Sa ilang gasolinahan sa Timog Avenue sa Quezon City, nasa ₱56 ang kada litro ng regular diesel.