Nai-raffle na ang ilang mga petisyon ng ilang grupo hinggil sa pagkakansela ng Certificate of Candidacy (COC) ni dating Senador Bongbong Marcos.
Base sa impormasyon, napunta sa second division ng Commission on Elections (COMELEC) ang petisyon laban sa kandidatura ni Marcos.
Partikular na hahawak nito ay sina Commssioner Antonio Kho Jr. at Soccoro Inting.
Nabatid na si Kho ay dating undersecretary ng Department of Justice (DOJ) habang retired justice naman ng Court of Appeals si Inting.
Matatandaan na may sampu pang indibidwal ang naghain ng petisyon sa COMELEC na layong mag- intervene sa cancellation petition na isinampa laban kay dating Senador Marcos.
Ang nasabing petition for intervention ay pinangunahan ni Dr. Rommel Bautista kung saan nais nilang makasali sa naunang petisyon na inihain sa poll body na layong makansela ang COC ni Marcos.
Ayon sa abogado ng mga petitioner na si Atty. Howard Calleja, kasama sa argumento sa kanilang petisyon ang naging desisyon ng Court of Appeals noong 1997 kung saan pinagtibay ng korte ang conviction kay Marcos dahil sa hindi paghahain ng income tax returns.