Petisyong inihain ni Attorney Larry Gadon laban sa provisional authority ng ABS-CBN, wala umanong basehan

Iginiit ni Committee on Justice Vice Chairman at Ako Bicol Partylist Representative Alfredo Garbin na walang basehan ang petisyong inihain ni Attorney Larry Gadon sa Korte Suprema para patigilin ang Kamara sa pagpapaisyu ng provisional authority upang magtuloy-tuloy ang ABS-CBN operation.

Sinabi ni Garbin na walang batayan ang petisyon ni Gadon para makialam sa anumang legal na hakbang ng mababang kapulungan.

Sa petisyon umano ni Gadon ay hiniling nito na manghimasok ang Korte Suprema sa co-equal branch nito para sa isang bagay na may Exclusive Jurisdiction naman ang kongreso.


Naniniwala si Garbin na tama naman ang hakbang ng Kamara para sa pagpapalawig pa ng franchise ng ABS-CBN na mapapaso na sa may 4.

Kung tutuusin aniya ay mismong si Justice Secretary Menardo Guevarra na ang nagsabi sa senate hearing na maaaring humingi ng legal guidance sa National Telecommunications Commission para sa provisional authority ng network.

Tinawag din ni Garbin si Gadon na walang alam sa constitutional foundation matapos aminin na hindi siya nakapag-practice ng court hearings sa loob ng limang taon at sinuspindi din ito ng korte suprema.

 

 

 

Facebook Comments