Naghain ang isang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal ng petisyon kontra sa pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections.
Personal na nagtungo si Macalintal sa Korte Suprema para ihain ang “petition for certiorari and prohibition with extremely urgent prayer for the issuance of temporary restraining order”.
Matatandaang, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Republic Act 11935 para sa pagpapaliban ng BSKE na nakatakda sana sa December 5, 2022, pero sa batas ay isasagawa na ito sa October 2023.
Pero, hiniling ni Macalintal na ideklara na unconstitutional ang batas at maglabas ng restraining order ang Korte Suprema na mag-aatas sa Malakanyang na huwag muna ipatupad ang nasabing batas.
Sinabi pa ni Macalintal na pag-aralan ng Korte Suprema ang batas at atasan ang Commission on Election (COMELEC) na ipagpatuloy ang paghahanda para sa BSKE ngayong December.
Nilinaw din ni Macalintal na ang kaniyang petisyon ay limitado lang sa Barangay Election at hindi kasama ang SK na binuo ng Kongreso.
Dagdag pa ng abogado, tiwala siya na makukuha niya ang panig ng Korte Suprema hinggil sa naturang usapin.