Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na otomatikong mawawalan ng saysay o Moot and Academic ang Petition for Mandamus na inihain ni House Majority Floor Leader Rolando Andaya Jr. sa Korte Suprema para obligahing ilabas ni Budget Secretary Benjamin Diokno ang karagdagang sweldo ng mga empleyado ng Pamahalaan base narin sa Salary Standardization Law kapag naipasa na ang 2019 budget sa Kongreso.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, maaari nang ituring na moot ang nasabing petisyon dahil sa oras naman na malagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2019 national budget na ipapasa ng kongreso ay obligado na talaga ang ehekutibo na itaas ang sweldo ng mga empleyado ng pamahalaan base narin sa SSL.
Sa ngayon aniya ay kumpiyansa sila na makalulusot sa Kongreso sa lalong madaling panahon ang 2019 budget lalo pa at tiniyak narin ito ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Sinabi pa ni Panelo na maging ang mga mambabatas ay gusto naring ipasa ang 2019 budget dahil nakapaloob dito ang service expences at ang mga infrastructure projects ng Pamahalaan.