Kinumpirma ng Commission on Elections (COMELEC) na posibleng mabago ang petsa ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ito ay sa gitna ng hinihintay na desisyon ng Kongreso hinggil sa panukalang batas na nagpapaliban sa 2022 BSKE.
Ayon kay COMELEC Chairperson George Garcia, karaniwang tumatagal ng labinlimang araw bago maging batas at mailathala sa media ang isang panukalang batas.
Dahil dito, posibleng maisaayos ang petsa ng 2022 BSKE.
Una nang sinabi ni Garcia na nakatakda sa October 6 hanggang 13 ang paghahain ng COC para sa nasabing eleksyon.
Ayon pa kay Garcia, kakailanganin din ng COMELEC ng 10 bilyon na halaga ng pondo, kung ipagpapaliban ang eleksyon sa Mayo 2023, habang 17 bilyon naman kung sa Disyembre 2023.