Pfizer COVID-19 vaccine, posibleng maunang dumating sa bansa

Sa pagdinig ng Senado ay inihayag ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., na posibleng maunang makarating sa bansa ang COVID-19 vaccine mula sa American firm na Pfizer.

Ayon kay Galvez, ang term sheet sa pagitan ng pamahalaan at Pfizer ay maaaring malagdaan na sa susunod na linggo pero hindi muna niya binanggit kung ilang doses ng bakuna ang makukuha ng Pilipinas.

Sa Senate hearing ay tiniyak naman ni Pfizer Philippines country manager Andreas Reidel na makakapagsuplay ito ng bakuna sa ating bansa.


Bukod sa Pfizer, inaasahan naman na may 50,000 Sinovac vaccine ang darating sa bansa sa Pebrero pero nilinaw ni Galvez na hindi pa nagbabayad ang gobyerno at walang garantiyang maisasapinal ang kasunduan hinggil dito.

Binanggit ni Galvez na nakikipagnegosasyon na rin ang gobyerno sa AstraZeneca, Gamaleya, Johnson and Johnson, Novavax at Moderna.

Samantala, sa pagdinig ay binanggit naman ni Health Secretary Francisco Duque na hindi nila inirerekomenda ang pagturok ng dalawang magkaibang bakuna para makumpleto ang kinakailangang 2 doses ng bakuna para sa isang indibidwal at sinang-ayunan naman ito ni vaccine expert Dr. Lulu Bravo.

Sinabi rin ni Duque na magsasagawa pa sila ng health profiling at assessment kung babakunahan o hindi ang mga buntis, heavy smokers, may organ transplant, diabetic, may COPD, chronic kidney disease at may cancer.

Sa hearing ay sinabi ni Senator Francis Tolentino na mungkahi ng Pfizer sa Michigan na huwag munang bakunahan ang nabanggit na mga indibidwal.

Facebook Comments